Saturday, 5 December 2015



For My Fellow Filipinos... This essay was written in Tagalog. (North America, December 5, 2015)



Hanggang Maging Kapilas Ng Kagandahan

(Paglingap ng Pilipino)




      Lumisan ako sa ating bansang minamahal, Pilipinas sa dakong silangan, baon ang pag-asa sa bagong buhay na haharapin sa lupain ng Canada, bantog sa kalamigan, kalinisan, disiplina at mataas na uri ng pamumuhay. Malakas ang loob, makikipagsapalaran. Kahit nangungulila, magsusumikap. Tatalastasin ang mga batas. Aayon at makikibagay sa mga kinagawian ng daratnang iba’t-ibang lahi na ginustong magkaroon ng isang pagkamamamayan.


            Mula musmos pa, itinanim sa isip ko na may bukang liwayway na laging darating… Kahit malayo na, patuloy na nangangarap na sasapit pa ang pinagpalang mga araw at taon sa bansang aking hirang. Masisilayan pa ang kaunlaran at ang mga magagandang panoorin na minimithing lubos para sa ating bansang minsang inapi ng mga mananakop, tinuringang mga heneral o mga manlulupig na kulay puti, mga mestiso, dumating ang iba pang mga kulay hanggang dumaan ang daan-daang taon, patuloy na inaapi ang ating bansa ng mga pinuno, hintay at tila sila na'y kulay kayumanggi.


            Sa ganang akin, isang hamon, isang pagtawag-pansin at paanyaya na rin sa lahat, saan mang dako ng mundo kahit na yung mga nasa bansang may niyebe ngayon, na mula sa inyong mga tinitirhan sulyaping muli at tanggapin ang kahirapan ng ating inang bayan. Maaaring nalimutan nyo na. Ngunit malakas ang kutob ko- katoto ko kayo! Ang kahirapang ito ay isang mabigat na krus na pinapasan at nararanasan ng bawat isa sa kabataan, gayundin naman ng mga magulang at bawa’t pamilyang Pilipino na ating naiwan sa ating unang tahanan. Ang kahirapan ay tumalos sa bawat isa sa atin, na siyang dahilan ng ating pangingibang bayan.  Ito’y nakikita at nararamdaman na isang malawak na kadahilanan ng pagbagsak ng ekonomiya ng ating bansa. Marapatin po ninyong i-ugnay ko ang kahirapan sa ilang mga sektor ng pamahalaan. Anong imahen kaya ang kanilang pinapakita?


            Kuru-kuro lamang po ito. Kung nais nating ma-i-angat ang antas ng ating pamumuhay at hindi makita ang madilim na ilustrasyon ng kahirapan- ay hindi dapat sirain ang kapaligiran, mapa-anyong lupa man ito o anyong tubig, umabot man sa tuktok ng kabundukan o sa kailaliman man ng karagatan; kasama na ang mga kalsada, mga tulay, mga gusali at institusyon; ibilang pa ang mga pambihirang mga bahay at mga lugar sa urban at sa rural.  Ang pagpapaunlad ng mga kundisyon sa kapaligiran ay makakatulong sa kabawasan ng kahirapan- sa anyo at diretsahang mga sakit, sakuna, kaguluhan, away, pagnanakaw, drug adiksyon, prostitusyon, hayagang krimen at kamatayan. Kapansin-pansin na ang mga ito ay may tuwirang epekto sa kalusugan, oportunidad, edukasyon, katarungan, kapayapaan at seguridad ng mga mahihirap.


            Sakop sa kinalaman ng programa sa kapaligiran ay ang mga sumusunod na malalaking suliranin: Tubig, Ilaw, Basura, Baha, Polusyon, Trapik, at ang pagkaubos ng likas na yaman. Hindi ba’t ito ay larawan ng kahirapan?


            Ang magandang pamamahala sa kapaligiran ay magbibigay ng maraming pagkakataon na makapag-hanabuhay ang mga mahihirap. Kapag maganda ang kapaligiran, maraming mga dayuhan ang daragsa sa ating bansa. Gayundin naman na kahit mga lokal na turista ay mawiwili rin na dumayo sa mga sikat na tanawin ng ating bayan. Isa ito na maghahango sa kahirapan. Sa pamamagitan din ng disiplina at determinasyon, hindi na lalayo ang kaunlaran. 


            Ang kakayahan at kaayusan sa sistema ng transportasyon, inprastraktura (gusali, tulay at mga kalsada), komunikasyon at paglilingkod- ang syang magpapabilis ng mga transaksyong pang-kabuhayan, pangangalakal at pananalapi.


            Ang mga sasakyan- jeep, bus, truck, tren, LRT/MRT, traysikel, motorsiklo, bangka, barko, kotse, ambulansya, pamatay-sunog na truck at mga eroplano (at mga paliparan) ay may mga malalaking bahaging ginagampanan sa pang-araw-araw na kabuhayan at mga gawaing pangkapwa. Kapag wala tayong mahusay at epektibong sistema sa mga uri ng pambyaheng at lingkod pampublikong ito- ay hindi natin matutugunan at makakamtam ang sapat na pangangailangan para umunlad at mapabuti ang mga kalusugan at buhay ng mga Pilipino. Sa usaping ito- higit na dapat tandaan ang sumunod at maging matapat sa mga batas at alituntunin upang maiwasan din ang mga problemang naka-akibat dito. Sa paglabag sa mga batas trapiko, muli masisilayan ang larawan ng kahirapan! Mala-impiyerno, gusto ba natin ito?


            Dugtong pa, ang pangangahoy at pagmimina naman ay may potensyal na makapag-ambag sa kabawasan ng kahirapan. Ngunit kung hindi magiging mahusay ang mga programa ng pamahalaan ukol rito ay maaaring ito pa ang maging sanhi ng paglagay sa panganib ng mga buhay ng ating mga kababayan sapagkat ang paggamit nito ay nag-uugat sa pagkunsumo ng likas na yaman. Ang pagkasira, ang pagkaubos at pagkalaho ng mga ito ay katumbas ng pagbaha, paglubog, erosyon, pagguho ng mga lupa at tuloy pagkitil ng buhay…. Tsk, tsk, tsk… tunay na larawan ng kahirapan!!!


            Ang buod ng mga istratehiya ay nangangailangan ng malalim at ibayong pag-aaral sa bawat kahulugan, termino at pagsisikap. Kailangan ding makalikom ng impormasyon at ipairal ang kasanayan. Ito ay nararapat na naka-atang at masimulan sa mga pamilya, sa mga paaralan, mga unibersidad, at sa masigasig na pakikipagtulungan at pamamalakad ng mga lokal na mga lider ng lipunan. Mahirap maisakatuparan ang mga plano at programa kung walang pondo ang bayan. Nasaan nga ba ang pondo ng bayan? Nasaan ang mga binayad na mga buwis ng mga tao? … Nakapagtataka. Nakapag-iisip…. Mapapansin muli ang larawan ng kahirapan!


            May prioridad na dapat isaalang-alang ang pamahalaan at minumungkahi ang paglalaan ng badyet sa prosesong isasagawa. May mahigpit na pagsubaybay at ebalwasyong pagtutok ang dapat gawin ng naatasang namamahala. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang korupsyon o katiwalian- na syang lalong nagpapayaman sa mayayaman at higit na nagpapalugmok sa mga mahihirap. Sa ganitong pangyayari- mababanaag ang mapangit na anino ng kahirapan. Hindi ito kanais-nais na dibuho!


            Ang larawan ng kahirapan ay mawawala at bagkus magiging makulay na pintura kung higit sa lahat ang bawat opisyal na nakaluklok sa ating pamahalaan, at ang bawat isa sa atin, kasama na ang mga kapwa kong mga guro at mga magulang, ay magiging instrumento, magiging puso’t isip…boses at aksyon ng mga umaasang sambayanang Pilipino.


            Ito ang panoorin, imahen, ilustrasyon, anino, dibuho at larawan ng kahirapan… Habang hindi pa huli ang lahat. Sa diwa ng pagbibigayan- Halina, makabagong bayani! Tingnan ito na isang pagpapahalaga. Ang paglingap ay isang katangiang maganda ng Pilipino… Sa ating pawis, lakas, isip at puso, anumang propesyon o hanapbuhay, tayo ay magbuklod. Mag-ambag sa kaunlaran.  Panahon na, ating isantabi ang makasariling kaisipan, mapoot na damdamin at lipas na mga gawi. Sama-sama, magkaisa at pagtulungan nating i-guhit nang panibago ang ating bansa. Hindi man matabunan ng niyebe, kundi busilak na “hiyas” ng pagbabago, ay mabigyan ng bagong anyo ang ating bayan hanggang ito ay maging isang kapilas ng kagandahan.


            Nasa ating lahat ang desisyon, sa ating mga kamay at tamang pagkilos ang pagbabago. Simulan ngayong ka-Paskuhan at lalo’t higit sa darating na halalan. Bumoto nang tama! Araw-araw ay sana'y laging Pasko!


Maalab na pagbati.
Luz Enriquez-Lombos